Sabado, Pebrero 25, 2017

SA PAGITAN KA NATAGPUAN by Maimai Cantillano


Parati kong naririnig ang dalawa sa mga uri ng pag-ibig
Tamang pag-ibig ngunit maling panahon
 Tamang panahon, ngunit maling pag-ibig
Hindi ko alam kung alin tayo sa dalawa
Kung tama pa ba o mali na
Nasaan ka na ba?
Hindi na ba talaga tayo magkakatagpo?
Dahil kung ito’y tagu-taguan,
Hindi ko alam kung sino sa atin ang taya
O kung sino sa atin ang nawawala
Napakaliwanag ng buwan
Ngunit hanggang ngayon hindi pa rin tayo magkakitaan
Hindi ko alam kung sino ba sa atin ang nagtatago
Dahil matagal nang tapos ang isa hanggang sampu
Matagal na rin akong umalis saking pinagtataguan
At ngayon, patuloy na naglalakad sa kawalan na dati ay kalawakan
Kalawakan na sabay nating pinagmamasdan
Sa ilalim ng nagniningning na mga bituin
Kasama ang mga alitaptap na sumusulyap sa pag-ibig natin
Ngunit sino bang nagtatago?
At sino ang naghahanap
Lumalalim na ang gabi pero wala ka pa rin sa aking tabi
Kaya’t sabi ko Hindi na ako pwedeng maglaro
Hahanapin kita kaya’t ako’y tumayo
Wala akong pakealam kung ako’y madapa
O kung ako ma’y mataya
Isinantabi ko ang takot ko sa dilim O sa kung anong nasa likod ng dilim
Dahil kailangan kitang bawiin sa tadhana
Hindi ko alam kung paano pero babawiin kita Hahanapin kita Kahit nasaan ka pa Hahanapin kita Hahanapin kita
At nakita na nga kita
Natagpuan kita sa pagitan ng gabi at umaga
Hindi alam kung magpapatuloy pa Kung nanakawin pa ang mga tala para sa akin
Dahil alam mong kahinaan ko ang mga bituin
Natagpuan kita sa pagitan ng laban at paalam
Nakikipagdigma sa tadhana Dahil ang sabi mo, iyon ang tama
Natagpuan kita sa pagitan ng ngayon at bukas Masaya ngunit lumuluha
Hindi ko alam kung anong paniniwalaan ko Kung ang ngiti mo ba o ang luha mo Natagpuan kita sa pagitan ng mahal kita at ng minahal kita
Ngunit nagdurugo ka na
Patawad Dahil kung minsan, mas nauuna pa ang dila kong pumutak
Kaysa mag-isip ang kulubot kong utak
Patawad dahil kung minsan Nauuna pa ang pagmulat ng aking mga mata
Kaysa sa pagtibok ng puso kong hinahapo na
Patawad dahil kung minsan Binabalewala ko ang mga tenga mong hindi napapagod sa Pakikinig sa bawat pantig na niluluwa ng aking bibig
Kahit minsan wala naman talagang kwenta Ang mga binibitawan kong salita
Patawad Kung isa ako sa dahilan ng pagsikip ng ‘yong mundo
Kung ang dating payak ay naging komplikado
Patawad Kung isa ako sa nagpunla ng takot sa loob mo
Na unti-unting lumaki at ngayon ay iyo nang inaani
Patawad Kung mas pinili kong magtago Para lang hanapin mo
Kahit na ang dapat mong hanapin ay ang sarili mo
Naging makasarili ako Kaya’t heto, nagkasalisi tayo
Sabay tayong naghanap At sabay rin tayong nagtago
Nakakapagod pala ang laro
Akala ko kasing simple lang ng pagbilang mula isa hanggang sampu
Pero hindi pala
Kaya’t patawad
Dahil hindi ko na kayang makita kang nagdurugo sa pagitan Ng gabi at umaga
Ng laban at paalam Ng ngayon at bukas
At ng mahal kita at minahal kita
Hindi ko na kayang makitang nasasaktan ka
Kaya’t mahal, Malaya ka na

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento