Sabado, Pebrero 25, 2017

"Mga Basang Unan" ni Juan Miguel Severo



Noong iwan mo ako nang walang pasabi at pangako ng pagbabalik umiyak ako buong gabi. Umiyak ako nang sobrang tindi, kinailangan kong ibilad sa araw ang unan ko kinabukasan. Ang sarap pala sa pakiramdam ng patulugin ka ng sarili mong pag-iyak. Naisip ko, hindi pinakuluang dahon ng bayabas o alak ang sagot sa ganitong klaseng sakit. Luha ang pinaka-mabisang panglanggas sa sugat ng puso.

Kaya inaraw-araw ko ito. Sinisimulan at tinatapos ko ang araw na ginagamot ang mga sugat na iniwan mo. Binabalikan ko lahat ng alaala at hinahanap kung saan silang lahat bumaon sa puso ko. Nakakatawa. Akala ko noon, kung dumating man ang panahon na ‘to, puro mga away at hindi natin pagkakasunduan ang mga sugat na iintindihin ko. Na sila ang mahirap gamutin. Na sila ang, kahit ilang balde na ng luha ang aking pigain mula sa mata ko, magdurugo pa rin.

Pero mas nagdurugo ako para sa mga tawa mo. Mas nagdurugo ako sa mga patawa mo. Mas nagdurugo ako sa mga yakap mo. Sa kung paanong ang balat ko ay parang nalalapnos kapag dahan-dahan mo akong hinahaplos at kung paanong ang hininga ko ay nahahapo at kinakapos kapag niyayapos kita. Nadurog ako noong gabing umalis ka, pero mas nagdurugo ako sa unang gabi na pinili mong manatili. Nadurog ako noong gabing sinabi mong ayaw mo na, pero mas nagdurugo ako sa gabing tinanong mo ako kung puwede pa ba. Nadurog ako noong gabing tinalikuran mo ako, pero mas nagdurugo ako na noong pagtalikod ko, nandoon ka pa. Nadurog ako noong sinabi mong hindi mo na ako mahal, at nagdurugo ako, at nagdurugo ako, at nadudurog at nadudurog at nagdurugo pa rin ako sa alaala na ikaw pa ang mas naunang magsabi ng “Mahal kita.”
Mahal. Kita.

Kung titignan ko nang maigi ang mga salitang sinulat ng lahat ng mga sugat na naiwan mo, yang dalawang yan ang mababasa ko. Mahal. Kita. At sa inaraw-araw ng pagbibilad-unan ko, nagmamahid na sila. Mahal. Kita. At sa dami ng luha na pinanglanggas ko rito, naglalangib na sila. Mahal. Kita. At sa tagal niyang kumikirot dito sa dibdib ko, medyo nakakasanay na. Mahal. Kita. At sa tagal ng panahon na ginugol ko sa gamutan, sigurado magsasara na sila. Magsasara at magiging pilat na paulit-ulit kong mababasa at ang parati lang sasabihin ay “Mahal kita.”


Mahal, kung magkita tayong muli at tanungin mo ako uli kung puwede pa ba, ang hihilingin ko lang sa’yo ay mga bagong unan. Dahil lahat ng akin ay ‘kala mo naulanan dahil lahat sila ay akin nang naiyakan ng mga kwento natin at nag-iwan ng marka sa kanila at ayaw ko na. Ayaw ko nang matulog sa unang basa at malunod sa pagtulog sa alaala na mahal kita. Mahal nga pala kita. Mahal pa rin pala kita. At sa wakas, hindi na kasing sakit ng dati, pero mahal, masakit pa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento